Tungkulin ng mga Kabataan

(Isang Talumpati)

Sa lahat ng narito at sa mga kapwa ko magigiting na kabataan, MAGANDANG UMAGA SA INYONG LAHAT!
     Bago ko simulan ang aking talumpati, nais ko kayong tanungin. Kagaya ko bilang isang kabataan, may kamalayan ba kayo sa inyong mga tungkulin? Kung oo, ang isang MALAKING tanong – isinasakatuparan niyo ba ang inyong mga tungkulin?
     Maparito, maparoon, isa lamang ang nakikita kong opinyon ng tao tungkol sa kabataan. Isa lamang tayong malaking kasalanan. Kada isang problema, sisi sa kabataan. Pagbabago ng klima, sisi sa kabataan. Kamangmangan, sisi sa kabataan. Hanggang sa umabot na lamang sa puntong baka pati isyu sa ISIS at North Korea ay masisi pa sa kabataan.
     Paminsan-minsan, nakakasawa na ang marinig sa ibang tao na nagsasabing nababalewala na ang sinambit ng ating mahal na pambansang bayaning si Dr. Jose Rizal, “Ang kabataan ang pag-asa ng bayan!” Sa kabila ng ganitong pag-isip ng tao, lubos pa rin akong naniniwala na hindi nasayang ang sinabi ni Rizal. Tayo talaga ang pag-asa ng Inang-bayan. At tayo ay may pag-asa pang mapabuti. KUNG gagawin natin ang ating mga tungkulin.
     Unang-una, isakatuparan muna natin ang ating tungkulin sa ating mga sarili dahil kailanman, ang tungkulin ay laging dapat nagsisimula sa sarili. Mahirap isalin sa ibang tao ang responsibilidad kung hindi ito nagsimulang ilapat sa sarili. Isa itong obligasyon para sa atin na harapin at pamahalaan nang wasto ang mga pagbabago sa yugto ng kabataan. Sa kabila ng lahat ng ito, dapat matutunan nating panatilihin ang tiwala sa sarili. Gamitin mo itong pagkakataon upang mas mapagyaman ang iyong sarili. Dito nakasalalay ang tagumpay sa pagharap sa mga susunod pang yugto ng iyong buhay.
Tungkulin din nating tasahan ang ating mga talento, kakayahan, at hilig at gamitin ito nang wasto sa makabuluhang bagay lamang. Bakit? Dahil ang mga bagay na ito ang ating lakas. Biniyayaan ka ng talento at kakayahan na maari mong gamitin at paunlarin. Hindi lamang ikaw kundi maging ang lipunan ang nawalan ng pagkakataon na makinabang. Mawawala ang posibilidad na maibahagi mo ang kakayahan na maari sanang magkaroon ng mahalagang  gamit para sa lahat. Sino bang nakakaalam ng posibilidad na baka ang talentong iyan ang maging panlaban pa sa ibang bansa, 'di ba? Kung 'di maibabahagi, SAYANG lang!
Ikalawa, mayroon tayong tungkulin bilang anak. Sa panahon ngayon, marami nang kabataan ang nagsasabi sa akin na kaya na nila ang kanila mga sarili. Anila’y “INDEPENDENT” na raw sila. Pero ang totoo, nananatili pa rin sa kanila ang batang naghahanap ng kalinga ng magulang. Kaya naman, mahalagang maunawaan natin na ang lahat ay nagsisimula sa maliit – ang bawat pangungusap ay nag-uumpisa sa isang letra. Mahalin at respetuhin ang ating mga magulang dahil sa bandang huli, sila’t sila pa rin ang aakay sa atin. GUMISING KA SA KATOTOHANAN! Hindi naman  barkada ang tutulong sa’yo kundi PAMILYA mo lang!

Sumunod, huwag na huwag nating isasantabi ang edukasyon. Tunay nga naman na ang edukasyon lamang ang tanging kayamanan na hindi maaaring nakawin mula sa atin. Kaya naman, mag-aral tayo nang mabuti. Pagod ka na? Huwag susukuan ang pag-aaral. Sawa ka na? Mali! Magkaroon ng masidhing pagnanais na matuto. Dahil ang buhay sa high school ay maligalig at masalimuot. Isang pagkakataon ito upang tumatag ang loob mo at mapaghusayan ang iyong sarili. Ikaw at wala ng iba ang magsisisi kung hindi mo pagbubutihan ang pag-aaral. Binuhos mo lamang sa WALANG KWENTANG bagay ang high school mo.
 Bilang karagdagan, mga kaibigan, mayroon din tayong tungkulin sa ating Panginoon. Sa panahon ngayon, nagkalat na sa mundo ang mga ateista’t agnostiko – mga taong walang paniniwala sa Diyos – maaring dahil sa sobrang pagkakalantad sa agham o sa problema sa buhay. BABALA! Huwag na huwag silang gagayahin at paparisan. Maging mulat tayo sa katotohanan. Huwag magpalinlang sa mga sabi-sabi o mga kuro-kuro ng iba. Sa huli, tanging pananampalataya mo naman ang magdidikta kung magpapadala ka sa mga kuro-kurong ito. Hindi ka agad-agad madadala kung malakas ang paniniwala mo sa Kanya.
At sa huli, mayroon tayong tungkulin sa bayan. Mga tagapakinig, hayaan ninyong ipokus ko ang tungkuling ito ng mga kabataan sa kapwa kabataan at sa susunod pang henerasyon. Walang sawa na natin itong naririnig ngunit totoo naman. Huwag na nating abalahin ang mga nakatatanda -- marami na silang nagawa para sa bayan. Oras naman upang ang tinig ng mga kabataan ang marinig ng buong bayan. Panahon naman natin ito upang magpakitang gilas at ipakita na hindi lamang tayo mga kabataan lamang. Tayo ay kakaiba at may mga kakayahang dapat ipamalas na maaaring makapagpaunlad ng bayan.
Kaya naman, tinatawagan ko ang mga kapawa kong magigiting na kabataan. Bumangon ka sa higaan mo’t paunlarin ang bansa. Ang bayan ay nangungulila sa isang katulad mo. Tulungan mo ang taong-bayan. At higit sa lahat, tuparin mo ang bilin ni Rizal. Maging pag-asa ka ng iyong bayan!
Kaya ba natin ‘to? Kayang-kaya basta’t sama-sama! Muli, magandang umaga sa inyong lahat! 

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito